1 May 2019

Pinaasa ng mga senador ang mga manggagawa na ipapasa nila ang Security of Tenure bill. Hanggang sa dumating ang huling araw ng session bago ang eleksyon, hindi umusad ang panukalang batas sa plenary. Pinaasa din ng mga senador na nagpasa ng TRAIN na madadagdagan ang iuuwing kita ng mga manggagawa dahil sa pagbaba ng personal income tax. Maliit lang daw ang itataas ng presyo ng mga bilihin kahit itinaas ang excise tax sa gasolina. Ano ang nangyari? Hindi nakinabang ang karamihan sa mga manggagawa sa pagbaba ng income tax pero halos walang matira sa kanilang sweldo dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin. 


Ang pondong manggagaling sa TRAIN ay gagamitin daw para sa “Build, Build, Build” ng administrasyon. Pero nasaan na ito? Hindi tumaas ang budget ng Department of Public Works and Highways para sa imprastrucktura. Ang nakalaan ngayong 2019 ay 531 bilyon lamang samantalang 650 bilyon ang budget ng ahensya noong 2018 at 621 bilyon naman noong 2017. 


Mukhang umaasa ang administrasyon sa pangako ng Tsina na bibigyan tayo ng mga proyektong nagkakahalaga ng USD24 bilyon. Kailangan nating bantayan ito dahil mataas ang interest rate nito malamang na kondisyon ang pagbibigay ng trabaho sa mga manggagawang dayuhan imbes na sa manggagawang Pilipino. 


Ang masakit nito, piniling ipasa nila Senator Cynthia Villar, Senator Grace Poe, Senator Sonny Angara, Senator Nancy Binay, at Senator Koko Pimentel ang TRAIN kaysa Security of Tenure Bill. Kaya nga kailangan nilang magpaliwanag sa mga manggagawa dahil sa pahirap na ito sa mamamayang Pilipino.


Pinaasa din ng administrasyon ang mga manggagawa ng dagdag na trabaho dulot ng TRAIN. Popondohan daw ng mga buwis na makokolekta ang Build Build Build. Marami daw mabibigyan ng trabaho dahil sa mga construction ng mga kalsada’t tulay at iba pang infrastructure. 


Ano ang totoong nangyari? Tumaas ang bilang ng underemployed sa 17.2% mula sa 16.3%. Ang invisibly underemployed naman o ang mga nagtratrabaho ng 40 oras pataas kada linggo pero gusto pa ng karagdagang trabaho ay tumaas ng 19.4%. Ang dating 3.101 milyon sa kanila ay umabot na sa 3.703 milyon. 


Napakabagal din ng job creation. Mulal 2017 hanggang 2018, 162,000 na bagong trabaho lamang ang nalikha, ang pinakamababang numero simula noong panahon ni Presidente Marcos. Ito ang dahilan kaya ang daming mga bagong graduate na hindi makahanap ng trabaho.


Panahon na para suriin ang mga ilalagay natin sa senado na may track record ng paninindigan sa sinumpaang tungkulin. Ito ay ang paglingkuran ang mga mahihirap at walang kapangyarihan; bigyan ng boses at maging kinatawan ng kanilang mga hinaing at kahilingan.


Narinig na natin ang mga kandidatong bumoto sa TRAIN at pinigilan ang pagpasa ng Security of Tenure bill. Nangangako na naman sila ng ginhawa, alaga, hanapbuhay. Meron namang isa galit daw sa manloloko. Yung isa naman me solusyon. Meron ding ang bisyo lamang ay serbisyo. Tingnan natin ang kanilang nagawa. Madaling mangako pero tingnan natin ang kanilang track record. Sila ba ay tunay na kakampi ng mga manggagawa batay sa kanilang nagawa at hindi sa pinapangako nila ngayon.
Sila ba ang pumigil sa pagpasa ng Security of Tenure bill? Handa ba silang bawiiin ang itinaas nilang excise tax sa gasolina kung sila mismo ang promotor nito? Handa ba silang ibaba ang VAT sa 10 percent para bumaba ang presyo ng mga bilihin kung sila mismo ang promotor ng TRAIN? Handa ba silang imbestigahan ang mga tiwaling mga opisyal ng pamahalaan na nagnanakaw ng pera ng bayan kung sila mismo ay naakusahan at nakulong dahil sa pangungulimbat ng pera ng bayan?


Bigyan natin ng dangal ang ating mga boto sa darating na eleksyon. Nasa atin ang kapangyarihan ngayon. Ilagay natin sa senado ang mga tunay na kakampi at magbibigay ng regular na trabaho sa ating lahat, at hindi hanapbuhay na kulang ang sweldo at walang seguridad. 
Sana’y ilagay natin ang mga kandidatong matagal nang tapat na nagtatrabaho para sa taumbayan. Mga kandidatong ipinaglaban ang mga batas na magpapagaan sa buhay ng mga manggagawa. 
Sana’y suriin po natin kung may malinaw na agenda at paano ito gagawin sa mga batas na ipapasa nila. Suriin po natin kung naiintindihan nilang kailangang paunlarin ang mga industriyang magbibigay ng pangmatagalang trabaho sa atin. Kasama dito ang pagbaba ng singil sa kuryente, maayos na transportasyon para sa mga manggagawang araw-araw na nahihirapang makarating sa kanilang mga trabaho dahil sa trapik at hindi maayos na public utility vehicles at tren.


Ilagay po natin sa ating balota ang mga senador na magtataguyod ng direct employment bilang standard of hiring at hindi galing sa mga manpower agencies; ipaglalaban ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa contractual; at titiyaking mapaparusahan at mabibigyan ng hustisya ang mga pinagsamantalahang manggagawa. 


Ipakita natin ang boses ng mga manggagawa sa darating na eleksyon. (END)