Kinukundena ko ang pagpatay sa ating mga magsasaka sa Negros, at nananawagan ako sa ating mga kababayan na manindigan laban sa karahasang ito.

Pang-ilang kaso na ito ng pagkitil ng buhay ng ating kapulisan kahit sa mga simpleng police operations. Ilang beses na ring nagkaroon ng panawagang magkaroon ng masusing imbestigasyon upang maparusahan ang may kasalanan.

Ang sagot ng gobyerno sa mga panawagang ito ay panandaliang suspensyon, paglipat ng area of responsibility, o promosyon para sa mga may kasalanan. Malinaw na ang administrasyon ay may pagkukulang o ‘di kaya ay may pinoprotektahan.

Nanalo ang Pangulo dahil sa pangako ng kapayapaan at pagsugpo ng kriminalidad. Pero bakit tila yata naging mas marahas ang sitwasyon? At bakit ang mga mahihirap, malilit, at walang kapangyarihan lamang ang naaapektuhan?

Pangulong Duterte, kung tunay kang kakampi ng taumbayan, parusahan mo ang mga nagkasalang kapulisan. Hangga’t hindi mo totoong nililinis ang kanilang hanay, paulit-ulit lamang na maghuhukay ng libingan ang ating mga kababayan.